Hindi muna makakaalis ng bansa ang mga opisyal ng Hong Kong Registered Bulk Carrier na MV Vienna Wood na nakabangga sa FV Liberty 5 ng mga mangingisdang Pinoy sa Occidental Mindoro.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesman Commodore Armand Balilo, inaprubahan na ng korte ang hirit nilang precautionary Hold Departure Order (HDO) laban sa Kapitan ng MV Vienna at tatlo pang opisyal ng naturang barko.
Kinatigan ni Mamburao, Occidental Mindoro Regional Trial Court Branch 44 Judge Ulysses Delgado ang precautionary HDO ng legal team ng PCG laban sa Namikos Transworld Maritime na siyang may-ari ng MV Vienna Wood, gayundin sa kapitan nito na si Zhang Wei Wei at tatlo pa nitong opisyal sa barko.
Nahaharap ang naturang mga respondent sa mga kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at damage to property.
Matapos ang nangyaring pagbangga ng MV Vienna sa FV Liberty 5 sa Mamburao Occidental Mindoro noong Hunyo kung saan lumubog ang FV Liberty, hanggang ngayon ay nawawala pa rin ang 14 na sakay nito kabilang na ang 12 mangingisda at dalawang pasahero.
Ayon sa PCG, sa ngayon, naka-daong pa rin sa pantalan ng Batangas ang MV Vienna Wood.