Precautionary hold departure order, inilabas laban sa mga opisyal ng kapa ministry community

Pinagbigyan ng korte ang hirit na Precautionary Hold Departure Order (PHDO) ng DOJ Prosecutor laban sa mga opisyal ng Kapa Ministry na isinasangkot sa investment scam.

Ayon kay DOJ Spokesman Markk Perete, inilabas ang PHDO ng Davao City Regional Trial Court Branch 16 kahapon.

Ang PHDO ang nagpipigil sa isang suspek o inaakusahan sa krimen na may mataas na posibilidad na lumabas o tumakas ng bansa.


Saklaw nito ang mga kasong may parusang hindi bababa sa anim na taong pagkakabilanggo.

Matatandaang noong nakaraang linggo, nagpalabas na rin ng subpoena ang DOJ laban sa founder ng Kapa na si Pastor Joel Apolinario, Board of Trustees na si Margie Dalaw, Corporate Secretary Reyna Apolinario at iba pang opisyal nito.

May kinalaman ito ng isinampang reklamo ng Security and Exchange Commision (SEC) kaugnay sa paglabag ng Kapa sa R.A. 8799 o Security Regulation Code.

Facebook Comments