
Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na wala pa silang natatanggap na impormasyon kung naghain ng mosyon ang kampo ni Senator Jinggoy Estrada para alisin ang Precautionary Hold Departure Order (PHDO) laban sa kaniya.
Kasunod ito ng paghiling ni Estrada sa Sandiganbayan na payagan siyang makalabas ng bansa mula March 30 hanggang April 5 para sa “personal trip”.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, hiwalay ang kaso ni Estrada sa Sandiganbayan at sa PHDO na inisyu ng Manila Regional Trial Court (RTC).
Ibig sabihin aniya, magkahiwalay din itong reresolbahin ng dalawang korte.
Pero sa ngayon ay wala raw natatanggap ang Justice Department na mosyon para i-lift ang PHDO na inisyu ng Manila RTC.
Una nang sinabi ng kagawaran na tututulan nila ang anumang mosyon dahil sa paniniwalang may batayan para maglabas ng PHDO gaya ng pagiging flight risk nito.
Samantala, mamayang hapon naman magpapatuloy ang preliminary investigation ni Estrada sa reklamong plunder na may kaugnayan sa maanomalyang flood control projects.










