Nilinaw ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na ang pagtaas ng kontribusyon na ipapatupad nito sa susunod na buwan ay magiging retroactive mula Enero 2022.
Ayon sa PhilHealth, magtataas ang kanilang collection rate ng 4 percent mula sa kasalukuyang 3 percent.
Pinayuhan naman ng PhilHealth ang mga miyembro at employer na nakapagbayad na ng kanilang mga kontribusyon sa 3 percent na bumuo ng kaukulang State of Premium Account para mabayaran nila ang 1 percent differential payments/remittance hanggang Disyembre 31, 2022.
Batay sa PhilHealth, magiging P400 na ang buwanang kontribusyon ng mga indibidwal na kumikita ng P10,000 pababa kada buwan.
Para naman sa mga kumikita ng P10,000 hanggang P80,000, nasa P400 hanggang P3,200 ang buwanang kontribusyon.
Habang ang mga kumikita ng P80,000 kada buwan ay magbabayad ng P3,200 na flat rate.
Paghahatian ng empleyado at employer ang pagbabayad sa PhilHealth maliban sa mga kasambahay na babayaran ng buo ng kanilang mga employer.