Iginiit ng mga opisyal ng gobyerno na tuloy-tuloy ang ginagawang pagsasaayos at pagpapalakas sa mga isla at teritoryo na sakop ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ito ay sa kabila rin ng pag-amin nina National Security Adviser Hermogenes Esperon at DND Secretary Delfin Lorenzana na okupado pa rin ng China ang ilang mga isla na pag-aari ng bansa sa West Philippine Sea.
Ayon kay Lorenzana, sa ngayon ay patuloy ang pagsasaayos sa beach ramp ng Pag-asa Island.
Sa kasalukuyan ay nasa 60 porsyento at inaasahang matatapos na ngayong taon ang beach ramp na makatutulong upang maidala naman ang mga suplay para isaayos naman ang runway ng Pag-asa Island.
Sinabi naman ni Esperon na naglagay na rin ng mga lighthouses sa isla na okupado ng Pilipinas hindi lang para idiin ang teritoryo ng bansa kundi bilang tulong na rin sa mga naglalayag.
Kasabay nito, gumagamit na rin umano ng unmanned aerial drone ang Pilipinas sa pagpapatrolya upang lalo pang mabantayan ang mga teritoryo sa West Philippine Sea.