Presensya ng NPA sa Masbate, pinapatutukan ni PNP chief sa mga pulis sa Bicol Region

Inutos ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa mga pulis sa Bicol Region na mas iprayoridad ngayon ang presensya ng New People’s Army (NPA) sa Masbate dahil sa magkakasunod na pag-atake ng mga ito sa mga sibilyan.

Ayon kay Eleazar, hindi sapat ang pagkondena sa mga pag-atake ng grupo dahil hindi na tinatablan ng maanghang na salita at kahihiyan ang grupong ito.

Kaya inatasan niya ang Police Regional Office 5 na tutukan ang NPA sa Masbate.


Matatandaang kamakailan lang ay nakaligtas sa pananambang ng NPA ang isang barangay captain at kasama nito sa bayan ng Placer habang nasawi naman ang tatlong street vendors sa pananambang ng NPA sa bayan ng Palanas.

Noong June, namatay sa pananambang ng mga NPA ang college football player na si Keith Absalon at pinsan nitong si Nolven sa Masbate City.

Samantala, inalerto rin ni PNP chief ang lahat ng pulis sa Eastern Visayas matapos ang pagkakapatay ng militar sa 19 na NPA sa kanilang operasyon sa Dolores, Eastern Samar.

Facebook Comments