Presensya ng Rebeldeng Grupo, Isang Dahilan ng Pagkakategorya sa ‘Red Areas’ ng ilang Bayan ng Isabela

Cauayan City, Isabela- Isa sa kinokonsiderang dahilan kung bakit nakategorya sa areas of concern ng PNP at COMELEC ngayong panahon ng halalan ang ilang lugar sa Isabela ay dahil sa pagkakaroon ng presensya ng makakaliwang grupo na nasa bisinidad ng mga bayan ng City of Ilagan at San Mariano.

Ito ang kinumpirma ni Acting Provincial Director PCol. Julio Go sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Ayon kay Go, bagama’t ‘unopposed’ o walang katunggali sa pulitika ang kumakandidatong mga pulitiko sa nasabing lugar ay hindi lang maaaring ituon dito ang sitwasyon sa ilang bayan na ikinategorya na ‘red areas’ kundi ang presensya ng rebeldeng grupo na posibleng maghatid ng kaguluhan.

Malinaw umano na hindi lamang sa usapin ng ‘political rivalry’ o away sa pulitika ang pokus ng mga awtoridad matapos mapabilang ang apat na bayan at isang lungsod na kinabibilangan ng San Mariano, San Guillermo, Jones, San Pablo at City of Ilagan ang pinagtutuunan ngayon ng pansin.

Kaugnay nito, nagtalaga ng security forces ang PNP upang maiwasan ang pagkakaroon ng anumang hindi kanais-nais na insidente.

Samantala, isinailalim naman sa ‘orange category’ o election area with immediate concern ang mga bayan ng Burgos, Mallig at Maconacon.

Matatandaan na nagkaroon ng pagsunog ng Vote Counting Machine sa bayan ng Jones sa nagdaang halalan na pangunahing may gawa umano ang makakaliwang grupo.

Facebook Comments