President-elect Bongbong Marcos, bukas sa ideyang gawing optional na lamang ang pagsusuot ng face mask sa open spaces

Sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Sec. Joey Concepcion na bukas si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na gawing optional na lamang ang pagsusuot ng face mask sa well-ventilated areas o open spaces.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Concepcion na ito ang isa sa kanilang napag usapan nuong nagpulong sila ni incoming President Marcos.

Dahil dito ayon kay Concepcion, marapat itong pag-usapan ng susunod na administrasyon.


Pero sa ngayon, dahil minamandato pa rin ang pagsusuot ng face mask indoor man o outdoor ay dapat itong irespeto ng lahat lalo pa’t nananatili pa rin ang bansa sa public health emergency.

Kung siya aniya ang tatanungin, mas maiging ipaubaya na lamang sa Local Government Units (LGUs) ang pagpapasya hinggil dito.

Maaari aniyang hikayatin ang lahat na magsuot ng face mask kapag nasa outdoor subalit hindi na kailangang imandato.

Pero pagdating sa indoor settings, dapat lang na panatilihin ang pagsusuot ng face mask bilang proteksyon.

Kasunod nito, naniniwala si Concepcion na hindi pa napapanahon na tumulad ang Pilipinas sa ibang mga bansa na hindi na talaga nagsusuot ng face mask ang kanilang mamamayan lalo na’t nananatili pa rin ang banta ng COVID-19.

Facebook Comments