Naniniwala si Deputy Speaker Isidro Ungab na seryoso si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na maiangat ang ekonomiya ng bansa sa harap na rin ng naranasang dagok dahil sa pandemya.
Ito’y matapos na ihayag ni Marcos ang mga plano sa pagpasok ng 19th Congress partikular sa agarang pagpapatibay sa 2023 national budget at ang isusulong na stimulus package na “Bayan Bangon Muli” (BBM) Bill.
Sinabi ni Ungab na alam agad ng bagong halal na pangulo ang kaniyang mga prayoridad kaya naman ang desisyon nito na agad magtrabaho kasama ang kongreso ay tamang hakbang sa pagkamit ng mga layunin at target para maka-recover muli ang ekonomiya.
Sa kabila naman ng maliit na posibilidad na magamit ng Marcos administration ang 2022 budget para magkaroon ng stimulus fund para sa economic recovery, sinabi ni Ungab na maaaring tumukoy ang Department of Budget and Management (DBM) ng mga “unused appropriations” o hindi nagamit na pondo o kaya naman ay savings mula sa mga natipid ng mga ahensya para maisakatuparan ang BBM Bill.
Inirekomenda rin ng dating Appropriations Committee Chairman sa bagong gobyerno na aksyunan agad ang paghahanda at pag-update sa “Medium-Term Philippine Development Plan for 2023 – 2028” na siyang magiging batayan sa pag-budget ng mga gastos sa mga susunod na taon ng BBM administration.