Pinangalanan na ni President-elect Bongbong Marcos Jr. ang mga itinalaga niyang mamumuno sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa National Intelligence Coordinating Agency (NICa).
Ayon kay incoming Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles, napiling maging pinuno ng Bureau of Internal Revenue (BIR) si Lilia Guillermo.
Si Guillermo ay kasalukuyang Assistant Governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at pinamumunuan ang BSP – Technology and Digital Innovation Office.
Paliwanag ni Cruz-Angeles, napili ni Marcos si Guillermo dahil sa background nito sa information technology at sa matagumpay na implemetasyon nito ng Philippine Tax Computerization Project, na lumikha sa modern tax collection ng BIR at Bureau of Customs (BOC).
Itinalaga rin si Atty. Romeo Lumagui Jr. bilang Deputy Commissioner for Operations ng BIR.
Si Lumagui ay isang tax lawyer at nagsilbing Regional Investigation Division Chief ng Revenue Region No. 7B East NCR.
Samantala, pamumunuan naman ni retired Philippine National Police (PNP) Deputy Director General Ricardo de Leon ang NICA.
Si De Leon ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Matatag” Class of 1971 at kasalukuyang pangulo ng Philippine Public Safety College (PPSC).