BEIJING, China – Hindi nakaligtas ang direktor ng Wuhan Hospital sa pagiging biktima ng novel coronavirus (nCoV) sa kabila ng kanyang pagsusumikap na labanan ang mabilis na pagkalat nito.
Kahapon lamang araw ng Martes, Pebrero 18 nang pumanaw si Liu Zhiming, presidente ng Wuhan Wunchang Hospital sa probinsya ng Hubei dahil sa nCoV pneumonia eksaktong 10:30 ng umaga.
Sa ulat ng China Daily, nangyari ang nakakalungkot na balita parehong araw na naglabas ng datos ang Chinese officials na nagpapakita na ang naturang virus ay 20 beses mas nakamamatay kaysa flu.
Base sa report, ang Wunchang Hospital ay isa sa pitong itinalagang ospital sa Wuhan para pigilan ang epidemya.
Naiulat din na ang nasabing ospital ay gumagamot ng libong kataong nalalalinan ng sakit kada araw.
Ayon pa sa Wuhan media, si Liu ay kilala bilang leading figure pagdating sa pagsasagawa ng neurosurgery.
Malaki rin daw ang naging kontribusyon ng doktor sa paglaban at pagkontrol ng naturang virus na isinaad naman ng Wuhan Municipal Health Commission.
“Unfortunately he became infected and passed away at 10:54 Tuesday morning after all-out efforts to save him failed,” anito.
Samantala, Biyernes nakaraang Linggo nang ipahayag ng National Health Commission sa isang news conference na umabot na sa kabuuang bilang na 1,716 medical workers ang nakumpirmang mayroong impeksyon at anim dito ay naiulat nang namatay.