Presidential aspirant Panfilo Lacson at running mate nito na si Sen. Vicente Sotto III, tumangging banggitin kung sino ang 10 mga senatorial aspirant na ieendorso sa darating na eleksyon

Inihayag nina presidential aspirant Panfilo “Ping” Lacson at vice presidential aspirant Vicente “Tito” Sotto III na mayroon silang 10 senatorial aspirant na ieendorso sa darating na eleksyon pero tumanggi muna si Sotto na banggitin ang 10 kandidato kasabay ng pagtiyak na ang kanilang mga napipisil ay nakitaan na nila ng loyalidad sa kanilang tandem.

Ayon kay Sotto, napagkasunduan nila ni Lacson na bawasan muna na ang numero ng kanilang mga i-e-endorsong senador dahil naghahanap pa sila ng mga kandidato na kapareho ng kanilang mga adbokasiyang isinusulong gaya ng nakitaan nila sa 10 kandidato na kanilang ieendorso sa Mayo.

Paliwanag ng Lacson-Sotto tandem, ang kanilang ginawang hakbang ay kasunod ng pagbawi nila sa kanilang endorsement sa mga Nationalist People’s Coalition (NPC) members na sina dating Quezon City Mayor Herbert Bautista at Senator Sherwin Gatchalian.


Matatandaan na base sa original na line up nina Lacson-Sotto, 15 senatoriables ang kanilang ineendorso para sa darating na eleksyon.

Sa unang listahan na inilabas ng tandem, kasama sa kanilang ineendorso sina reelectionist Senators Richard Gordon, Joel Villanueva at Juan Miguel Zubiri, dating Senators Francis Escudero, Gringo Honasan, JV Ejercito at Loren Legarda, dating Vice President Jejomar Binay, dating Agriculture Secretary Manny Piñol, mga Partido Reporma member na sina Monsour del Rosario, Dra. Minguita Padilla at dating Philippine National Police (PNP) Chief Guillermo Eleazar at broadcaster na si Raffy Tulfo.

Facebook Comments