Mga Nakalatag na Proyekto ni Presidential Assistant for Northern Luzon Atty. Lambino, Ibinida!

Sta. Ana, Cagayan- Masayang inihayag ni Presidential Assistant for Northern Luzon at CEZA Administrator na si Atty. Raul Lambino ang mga proyektong ilalatag nito na may kaugnayan sa pagpapaunlad sa kanyang nasasakupan.

Batay sa pakikipag ugnayan ng mga local media kasama ang RMN Cauayan kay Atty. Lambino, sinabi nito na kabilang umano sa mga proyektong ipapatayo ay ang CEZA Corporate and Commercial Center na may lawak na limang ektarya sa Casambalangan at may pondong nagkakahalaga ng 140 milyong piso, rehabilitasyon ng port of San Vicente na may pondong nagkakahalaga naman ng 155 milyong piso at maging ang pagbuo ng CEZA ng sarili nitong Police Force sa Lambino.

Karagdagan pa umano dito ay ang pagpapatayo din ng Chinese Tycoon Textile Company na kung saan ay pinondohan naman ng mga private investors ng 1.4 trilyong piso.


Dagdag pa rito, nagkaroon na din umano ng pagpupulong sina Atty. Lambino kasama ang iba’t ibang sektor ng provincial LGU at mga gobernador ng Aurora, Cagayan at Isabela hinggil sa sampung milyong piso na contribusyon ng bawat lalawigan maging ng CEZA.

Ayon pa kay Atty. Lambino ay hihintayin din umanong aprubahan ng board ang karagdagang sampung milyong pisong pondo na dagdag sa kontribusyon ng CEZA upang maisakatuparan ang planong pagbili ng barkong makatutulong sa pagbyahe at pamamasyal ng iba’t-ibang mga turistang galing sa ibang mga bansa maging sa ating rehiyon.

Facebook Comments