Inihayag ni presidential candidate at Senador Panfilo “Ping” Lacson na gaya isang mandirigma ay marangal at matapang niyang ipagpapatuloy bilang independent ang kanyang pangangampanya sa kabila ng kanyang pagbitiw sa Partido Reporma.
Ayon kay Lacson, sanay na siya na maging “mandirigma” sa loob ng kanyang 5 dekada sa serbisyo publiko bilang law enforcer at mambabatas.
Sa kanyang pagsisilbi sa Philippine Constabulary at Philippine National Police (PNP), nakilala si Lacson sa matagumpay na paghuli sa mga kriminal at sindikato pati na rin ang mga gumagawa ng iligal na transaksyon sa PNP.
Mariin din niyang tinanggihan ang mga alok na reward money at suhol mula sa mga maimpluwensyang tao.
Hindi na rin bago kay Lacson ang magkaroon ng mga kaaway na nagsimula noong ipinatupad niya ang “No Take” Policy at kahit mag-isa lamang siya na tumututol sa korapsyon na nasa pork barrel system.
Sa kabila nito, nanatili si Lacson sa kanyang prinsipyo at hindi kailanman nanira ng sinuman.
Matatandaan na nitong Marso 24, inanunsyo ni Lacson ang kanyang pagbitiw sa Partido Reporma matapos magdesisyon ang partido na iendorso si vice president at presidential candidate Leni Robredo ng ibang kandidato at nitong Marso 25 naman ay isiniwalat ni Lacson na ang paghingi ng Partido Reporma ng ₱800 milyon ang dahilan kung bakit lumipat ang partido sa ibang kandidato.
Sa kabila nito, marami naman ang humanga at nagbigay ng kanilang respeto kay Lacson dahil sa kanyang paninindigan at pagpapatuloy ng kanyang pagtakbo sa halalan.
Nitong Sabado, marami sa mga lider at miyembro ng Partido Reporma sa Bohol ang nagbitiw rin sa partido para suportahan ang pagtakbo ni Lacson.
Paliwanag pa ni Lacson na sila na umano ang bumuo ng grupo ngayon ng tinatawag na “Lacson-Sotto Support Group” sa Bohol ay nagpahayag ng kanilang patuloy na pagsuporta sa kandidatura ni Lacson kung saan kabilang sa miyembro nito ay sina Jagna Mayor Joseph Rañola at dating Provincial Police Chief Edgardo Ingking, Joseph Sevilla,Eduardo Aranay at Emmanuel Solomon Duites.
Kamakailan din ay umalis na rin sa partido ang ilang miyembro ng Partido Reporma sa Cavite chapter habang ang senatorial bets naman na sina Minguita Padilla at Guillermo Eleazar ay nagpahayag ng patuloy na suporta kay Lacson kasama rin sa nagpahayag ng suporta sa kandidatura ni Lacson ang founder at chairman emeritus ng Partido Reporma na si Renato de Villa.