Nilinaw ni presidential candidate Senador Panfilo “Ping” Lacson na obligasyon ng pangulo ng bansa na hikayatin ang publiko na magpabakuna o magpa-booster shot upang maiwasan na mahawaan ng COVID-19 sa bansa.
Ang pahayag ay ginawa ni Senador Lacson matapos na mapabalitang posibleng masasayang lamang ang mga bakuna na binili ng gobyerno dahil kakaunti lamang ang tumugon sa panawagan ng Department of Health (DOH) na dapat magpabakuna ang lahat ng mga Pilipino.
Paliwanag ni Lacson, hindi maaari umanong gagamitin ang tinatawag na political will para lamang pilitin ang mamayang Pilipino na magpabakuna laban sa COVID-19 dahil wala aniyang political will na tinatawag kapag paglabag na sa karapatang pantao ang pinag-uusapan.
Dagdag pa ng beteranong senador na tuwing pumupunta sila sa mga probinsiya ay tinatanong nila kung kumusta na ang COVID situation sa kanilang lugar, at kung minsan umano ay natutuwa sila ng kaniyang running mate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na malaman na mataas ang kanilang vaccination rate o success rate at mababa naman ang mga nahahawaan ng COVID-19.