Presidential candidate at Senator Panfilo Lacson, handang ialay muli ang buhay para sa sambayanang Pilipino

Inihayag ni presidential candidate at Senador Panfilo “Ping” Lacson na sa kabila ng kanyang pag-alay ng buhay sa serbisyo publiko sa loob ng mahigit limang dekada, handa ang beteranong senador na ialay muli sa bayan ang kanyang buhay at karanasan bilang susunod na pangulo ng bansa.

Sa ginanap na PiliPinas Debate ng Commission on Elections (COMELEC), sinabi ni Lacson na ang kanyang kwalipikasyon, katapangan at karanasan ay sapat para mapamunuan nang maayos ang sambayanang Pilipino.

Paliwanag ni Lacson na mula sa pagiging sundalo at alagad ng batas na lumaban sa terorismo, rebeldeng komunista at pusakal na criminal, bilang dating Philippine National Police (PNP) chief na nagpatino at naglinis ng hanay ng kapulisan, bilang senador na kailanman hindi nabahiran ng korapsyon, nais niyang ipagpatuloy na magsilbi sa ating bayan.


Dagdag pa ni Lacson, 20 taong nanilbihan siya sa Philippine Constabulary, 10 taon sa PNP at 18 taon sa Senado, nagsilbi rin siya bilang Presidential Assistant on Rehabilitation and Recovery na tumulong sa mga naapektuhan ng Bagyong Yolanda.

Bilang law enforcer at mambabatas, hindi na bago kay Lacson ang magkaroon ng kaaway dahil sa kanyang paninindigan sa istrikto at tapat na pamamahala.

Binigyang diin din ni Lacson na sa lahat ng kumakandidato ngayon sa pagkapangulo, siya lamang ang nag-alay ng kanyang buhay bilang serbisyo sa mamamayang Pilipino.

Aniya, nahaharap ngayon ang bansa sa napakaraming problema, mula sa ating ekonomiya na lubhang naapektuhan ng pandemya at tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine, lumolobong utang na higit na sa ₱12 trilyon at korapsyon sa gobyerno.

Giit pa ni Lacson na kailangan ng bansa ng pangulo na tapat, kwalipikado at may sapat na karanasan para gawing realidad ang mga pangako at plataporma.

Facebook Comments