Sang-ayon si presidential candidate at Senador Panfilo “Ping” Lacson na singilin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga hindi pa nagbabayad ng estate tax kabilang na ang mga utang ng mga Marcos.
Ayon kay Lacson, dapat lamang na singilin ang utang ng mga Marcos dahil baka mas lalo pang lumaki ang utang na nagsimula sa ₱23 bilyon na posibleng umabot pa sa trilyong piso.
Ginawa ni Lacson ang pahayag matapos na kalampagin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang BIR kaugnay sa mga hindi pa nakakabayad na estate tax kung saan umaabot sa ₱203 bilyon ang utang ng mga Marcos sa gobyerno.
Ipinunto rin ni Lacson na napakalaki ng utang ng Pilipinas dahil sa mga nagastos sa pandemya dulot ng COVID-19 kung kaya’t malaking tulong aniya sa mga kababayan natin kung masisingil ang ₱203 bilyon.
Matatandaan na una nang kinumpirma ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez na hindi pa bayad ang mga Marcos sa kanilang pagkakautang sa gobyerno.