Tinitiyak ni presidential candidate Senador Panfilo “Ping” Lacson na kasama sa kaniyang plataporma at plano sakaling siya’y papalarin na manalo sa halalan ang matuldukan ang kultura ng karahasan sa mga lugar na magugulo kasabay ng dasal para sa isang mapayapang eleksyon sa Abra at iba pang hotspots sa bansa.
Ayon kay Lacson, na tapusin na ang pamamayagpag ng mga warlord na kumokontrol sa mga residente at lalong nagpapahirap sa kanilang buhay.
Binigyang diin pa ni Lacson na sakaling palarin sila ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na mahalal sa Mayo, uunahin nila ang malawakang paglilinis sa hanay ng gobyerno.
Katulad ito sa isinagawang internal cleaning sa PNP noong 1999 hanggang 2001 sa ilalim ng liderato ni Lacson bilang PNP chief kung saan kasama sa mga tinanggal sa serbisyo noon ang mga ICU o “Inept, Corrupt and Undisciplined” na mga pulis.
Ibinahagi rin ni Lacson ang kanyang dasal para sa isang mapayapang eleksyon sa Abra matapos niyang bisitahin si Bangued Bishop Leopoldo Jaucian.
Ikinatuwa naman ni Lacson ang solid na naging suporta sa kaniya ng mga tumatakbo sa lokal na posisyon sa Abra na miyembro ng Partido Reporma, kasama sa supporters na sumumpa laban sa karahasan ay si dating Abra Governor Eustaquio Bersamin, na tumatakbo muli sa pagka-gobernador.
Umapela naman si Lacson sa PNP na bantayan ang sitwasyon sa Abra para masiguro na hindi nabubuhay sa takot ang mga residente rito.
Dagdag pa ni Lacson, na taong 2013 pa nagkaroon ng mapayapang halalan sa probinsya nang inirekomenda nito sa PNP na italaga si ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang pinuno ng Cordillera Regional Police.