Presidential choppers, nakapagbaba na ng ayuda sa Bicol region

Nagsimula na ang mga presidential choppers na magbaba ng ayuda sa mga nasalanta ng Bagyong Kristine sa Bicol region.

Ito’y kasunod ng kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagagamit niya ang presidential choppers sa relief operations para mapabilis ang pamimigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo.

Ayon sa Presidential Communications Office, dalawang Bell 412 VVIP at isang S70i Blackhawk helicopters ang bumiyahe sa rehiyon.


Ang mga presidential choppers ay galing sa 250th Presidential Airlift Wing ng Presidential Security Command.

Unang tinungo ng presidential choppers ang Panoypoyan Landing Zone sa Bula, Camarines Sur bitbit ang 109 na sako at 68 na kahon ng relief goods.

Sunod naman na tinungo nito ang Pantao Landing Zone sa Libon, Albay dala ang 171 kahon ng iba’t ibang relief goods.

Tinatayang nasa 1,200 na pamilya o 4,800 indibidwal ang nabigyan ng ayuda.

Facebook Comments