Inirerespeto ng Commission on Elections (COMELEC) ang hindi pagdalo ng ilang kandidato sa isasagawa nilang presidential debate mamayang gabi.
Ayon kay COMELEC Commissioner George Garcia, bagama’t desisyon nila ang hindi pagdalo sa debate pero nanghihinayang siya lalo na’t pagkakataon na ito para mailatag nila ang kanilang plataporma sa publiko.
Nabatid na sa 10 presidential candidates, tanging si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., lang ang hindi dadalo sa debate mamaya.
Sa kabila nito, umaasa si Garcia na sa mga susunod na debate ay makakadalo na ang mga ito.
Sa ngayon ay kasado na ang gagawing “Pilipinas Debates 2022” ng COMELEC sa Sofitel Tent sa Pasay City mamayang alas-7:00 ng gabi.
Sa mechanics na inilatag ng COMELEC, habang hindi pa nagsisimula ang debate ay mananatili muna sa holding area ang presidential candidates saka pa lamang sila pupunta roon sa debate area kapag magsisimula na ito.
Sa debate area ay may sampung podium na may kani-kaniyang upuan ang mga kandidato kung saan walang audience.
Hindi papayagan ang mga kandidato na magdala ng kanilang notes ngunit magbibigay ang COMELEC ng pen and paper sa bawat podium para makapag-take down notes ang mga kandidato.
Ang mga sasabak sa debate ay bibigyan ng 90 seconds para sa unang tanong at 30 seconds para sa rebuttal at another 30 seconds para naman sa rejoinder.
Iikot ang mga tanong sa COVID-19 pandemic at ekonomiya.
Inaasahang tatagal ng dalawang oras debate at ang magiging moderator ng debate ang broadcast journalist na si Luchi Cruz Valdez.