Kumambyo si Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa naging termino nito nang makapanayam sa isang telebisyon kahapon.
Sa naging trending na pahayag ni Roque, sinabi kasi nitong magiging “living experiment” ang mga taga-Metro Manila sa mas maigting na pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 situation sa bansa sa mga susunod na araw.
Pagpuna ng iba, tila ginagawa ng Guinea pig ang mga taga-Metro Manila.
Pero paglilinaw ni Roque, hindi lang angkop ang ginamit niyang salita pero ang ibig niyang sabihin ay magiging pilot o model ang mga taga-NCR sa pagpapatupad nila ng pooled testing.
Isa kasi aniya ang massive targeted testing sa pamamagitan ng pooled testing sa malaking pagbabagong ipatutupad ng gobyerno sa mga susunod na araw para sa pagtugon sa pandemya ng COVID-19.
Paliwanang ng kalihim, sa oras na ipatupad na ang pooled testing, maaaring umabot na lamang sa ₱300 ang babayaran sa testing, ito ay dahil paghahati-hatian ng 10 taong isasailalim sa pooled testing ang isang testing kit na nagkakahalaga ng ₱3,000.
Sa ganitong pamamaraan aniya ay mas marami ang mahihikayat na magpa-COVID test dahil mura na lamang ang kanilang babayaran.
Gamit-gamit na rin ng ibang mga bansa tulad ng Wuhan sa China, Germany at Israel ang pooled testing.