Presidential Task Force on Media Security, nagbabala sa mga pulitiko at supporters na nangha-harass sa mga mamamahayag ngayong eleksyon

Nagpaalala ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa mga kandidato at supporter na nangha-harass sa mga mamamahayag na ang trabaho lamang ay maihatid ang mga balita ngayong eleksyon.

Ayon kay PTFoMS Executive Director Undersecretary Joel Sy Egco, sa ngayon ay may mga natatanggap na ang kanilang tanggapan ng mga reklamo na pagbabanta sa buhay ng isang media worker.

Aniya, isa sa mga natanggap nila na sumbong na may umaaligid umano sa bahay ng isang brodkaster.


Dagdag pa ni Egco, mananagot sa batas kapag napatunayang hina-harass ng mga pulitiko ang mga mamamahayag.

Siniguro rin ni Egco na hindi babalewalain ang anumang sumbong na matatanggap ng kanilang ahensya, maliit man ito at dapat ito aksyunan agad.

Matatandaan, bumuo ang PTFOMS ng Media Security Vanguards (MSVs) para maprotektahan ang mga mamamahayag ngayong 2022 national at local elections.

Pagdidiin pa ni Egco, ayaw na nilang maulit ang nangyari 2009 Maguindanao massacre kung saan nasawi ang 58 katao kabilang na ang 32 na journalists.

Facebook Comments