Preso sa US na nakulong ng 44 taon, patay sa coronavirus ilang linggo bago ang nakatakdang paglaya

MICHIGAN, USA – Ilang linggo na lang sana ang bubunuin ng isang 60-anyos na lalaki para makalaya matapos ang 44 taon sa bilangguan nang masawi ito dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Hindi na umano nagawang makalabas pa ni William Garrison sa Macomb Correctional Facility nang pumanaw ito noong nakaraang Linggo.

Ayon sa ulat ng Detroit Free Press, nasentensyahan ng habambuhay na pagkakakulong si Garrison sa kasong first-degree murder noong 1976, 16-anyos pa lamang ito.


Makalipas nag 40 taon, nakatakda na sana itong lumaya at naghihintay na lamang ng ilang linggo.

Una na umanong nabigyan ng parole si Garrison noong Enero dahil sa inilabas ng Supreme Court noong 2016 na batas ukol sa pagbabawal sa pagpataw ng life sentence sa mga menor de edad.

Sa kabila nito ay pinili raw nitong manatili para tapusin ang nalalabi pa niyang buwan sa kagustuhang mapalaya sakaling matapos niya ang 7,000 araw.

Hanggang nitong Marso, nabigyan uli ito ng paglayang may pasubali ngunit dito na rin nagsimulang kumalat sa kanilang kulungan ang coronavirus.

Sa kasamaang-palad, bata pa lang ay nagkaroon na ng tuberculosis si Garrison at natanggalan na ng isang baga kaya mas naging delikado para sa kanya ang sitwasyon.

Hindi na muli itong narinig nang masawi ito noong Abril 13 dahil sa sakit.

Ayon sa kasamahan sa selda ni Garrison, Lunes ng gabi ay nahirapan na raw itong huminga kaya agad itong humingi ng tulong.

Nagsagawa pa raw ng CPR ang mga staff ng bilangguan bago ito tuluyang isugod sa ospital kung saan siya binawian ng buhay.

Biyernes nang makumpirmang positibo sa COVID-19 si Garrison.

Samantala, ayon sa Michigan Department of Corrections, 572 preso na ang nagpositibo sa virus, 19 dito ang namatay kabilang na si Garrison.

Sa Macomb Corrections Facility naman ay mayroon ng 80 presong nagpositibo sa COVID-19.

Facebook Comments