Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na stable ang presyo ng karneng baboy sa merkado at sapat ang supply ngayong panahon ng kapaskuhan.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, wala na raw dapat ipag-alala ang publiko sa pork products dahil ligtas ito sa African swine fever o ASF.
Patunay pa nito ang patuloy na pagpapatupad sa quarantine and bio-control measures ng DA para hindi na malusutan ng ASF.
Aniya, tiyak raw na may sapat na supply ng hamon at barbeque ngayong Pasko.
Paliwanag pa ng kalihim, balik na sa normal ang presyo ng baboy, isang pahiwatig na tinatangkilik na muli ng mga consumers ang pagbili ng pork products.
Aniya sa kasagsagan ng isyu ng ASF, abot sa P1 billion kada buwan ang lugi sa hog industry.
Base sa presyuhan sa karne ng baboy sa Muñoz Market at Mega Q-Mart, mabibili ang kada kilo nito sa halagang P210-220 habang P185 naman hanggang P200 ang kada kilo sa Commonwealth Market.