Tataas ang presyo ng mga de lata, noodles, gatas at iba pang mga produkto sa pagpasok ng 2023.
Ito ay kinumpirma ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ruth Castelo, kung saan sinabi nito na posibleng nasa 50-70 na mga produkto ang magtataas ng presyo sa unang kwarter ng bagong taon dahil na rin matagal na itong kahilingan ng mga manufacturers.
Paliwanag ni Castelo, noong Hunyo at Hulyo pa nangungulit ang mga manufacturers na magtaas sa presyo ng kanilang mga produkto na masusing pinag-aralan ito ng DTI.
Pero, binigyang-diin ng opisyal na 30% lamang ng mga produkto ang tataas at mas marami pa rin ang hindi gagalaw ang presyo kaya may pagpipilian pa ang mga consumers.
Kinumpirma pa ni Castelo na bukod sa mga nabanggit na produkto, mayroon din mga manufacturers na humihirit ng taas-presyo ng kanilang produkto tulad ng kandila at non-essential items.
Tiniyak naman ni Castelo na sinisikap ng pamahalaan na maibaba ang presyo ng mga pangunahing bilihin at hindi papayagan na basta na lang magtaas ito hanggang hindi nailalabas sa publiko ang bagong suggested retail price (SRP).