Asahan na maaaring bumaba pa ang maximum suggested retail price (MSRP) ng imported na bigas ngayong Enero kasunod ng pagbaba ng presyo nito sa pandaigidigang pamilihan.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Department of Agriculture (DA) Spokesperson Arnel De Mesa na mula December 10 Hanggang January 10, bumaba ng 15% ang presyo ng imported rice sa Vietnam. Bumaba rin ang international price ng Thailand at Indian rice.
Sa pagtaya ni De Mesa, posible ang P45 na MSRP sa imported rice kapag nagtuloy-tuloy ang pagbaba ng international market price at sa epekto ng pagbaba ng taripa sa imported na bigas
Magugunita na ipinatupad ng DA ang MSRP sa imported rice matapos mapag-alamang may mga rice traders na ibinebenta ang imported rice sa presyong P60 kada kilo.