Naka-ambang tumaas ang presyo ng de latang sardinas matapos maghain ng magkakaibang petisyon ang sardine manufacturers ng price increase sa Department of Trade and Industry (DTI).
Ayon sa Canned Sardines Association of the Philippines (CSAP), naglalaro sa tatlo hanggang limang piso kada lata ang apela nila bunsod ng pagtaas ng kanilang gastos sa paggawa nito.
Paliwanag ni CSAP Executive Director Francisco Buencamino, hindi naging sapat ang inaprubahang price adjustment ng DTI noong Hulyo at giit pa nito ay nagdurusa na ang kanilang industriya sa ipinatupad na price freeze sa kanilang produkto simula pa noong 2019.
Umaasa naman si Buencamino na aaksyon kaagad ang DTI hinggil sa kanilang petisyon.
Samantala, nagkukulang na rin ang kanilang suplay ng sardinas bunsod ng mahinang huli ng tamban na umaabot lamang sa 40% ng karaniwan nilang dami ng huli.
Sa ngayon, kailangan pa nila makapanghuli ng aabot sa 72,000 metric tons ng tamban upang maging sapat ang kanilang suplay bago ang nakatakdang closed fishing season simula December 1, 2022 hanggang February 28, 2023.
Nakipag-ugnayan na sila ngayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) upang payagan ang mga commercial fishers na mangisda sa unang 10 hanggang 15 kilometers ng municipal waters kung saan maraming suplay ng tamban.