Isang buwan mahigit bago ang Pasko, ramdam na ng mga mamimili ang pagtaas ng presyo ng gulay, isda, karne at iba pa sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Ito ay kasunod na rin ng naitalang 7.7 inflation rate o pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa nitong Oktubre, pinakamabilis na pagtaas sa halaga ng mga bilihin simula noong December 2008.
Malaki ang itinaas sa presyo ng gulay at karne sa Marikina Public Market dahil na rin sa epekto ng mga nagdaang bagyo at pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.
Tumaas ng 10% ang presyo ng mga gulay gaya ng sitaw na P280 kada bundle; sibuyas na P270 kada kilo; kamatis na P150 kada kilo; sayote na P60 kada kilo; at pipino na P150 kada kilo.
Samantala, sumipa rin ng P10 hanggang P20 ang presyo ng mga karne tulad ng manok na mabibili na ngayon na P190 kada kilo; baboy na P320 kada kilo; at baka naman na P370 kada kilo at ang mga isda ay P20 rin ang itinaas.
Ayon sa ilang tindera at tindero, hindi na nila maibaba ang presyo ng mga nabanggit na bilihin dahil malaki na rin ang kanilang gastusin.
Habang, sinabi naman ng ilang mamimili na nagkukulang na ang kanilang dalang pang-budget na kung dati ay marami na sila nabibili sa P500 ngayon ay mabibilang na lang ito.