Presyo ng ilang bilihin, nakatakdang tumaas sa Mayo

Nakatakdang tumaas ang presyo ng ilang bilihin sa buwan ng Mayo.

Ayon kay Philippine Amalgamated Supermarkets Association President Stephen Cua, nasa 10 kompanya na ang nag-abiso na magtataas ng presyo ng ilang mga produkto tulad ng sabon, shampoo, kape, instant noodles, de-lata, at gatas.

Aniya, hindi na kasi kinaya ng mga kompanya matapos magtiis na hindi magtaas noon para hindi lumipat sa ibang brand ang kanilang mga suki.


Payo ni Cua sa mga konsyumer na pumili na lang ng ibang brand ng mga naturang produkto kung namamahalan.

Bukod dito ay inihayag din ng United Broiler Raisers Association (UBRA) na tumataas na ang presyo ng manok sa ilang pamilihan dahil mahal na ang production cost mula sa patuka, mais, soya, at sisiw at bumabagal na rin ang paglaki ng mga manok tuwing tag-init.

Samantala, tiniyak naman ang Department of Trade and Industry (DTI) na sa ngayon ay wala silang aaprubahang dagdag-presyo sa mga produktong may suggested retail price (SRP) ngunit paglilinaw ng ahensya na hindi lahat ng brand ng isang produkto ay sakop ng SRP.

Facebook Comments