Nagsimulang tumaas ang presyo ng gulay at isda sa ilang pamilihan kasunod ng pagsisimula ng Holy Week.
Sa Marikina Public Market ay tumaas ang presyo ng alumahan sa P340 kada kilo mula sa P300 at galunggong na P240 dati ay P280 na ngayon.
Tumaas din ang presyo ng tulingan sa P260 mula sa P200, gayundin ang bangus na mula sa P200 ay P220 na habang stable ang tilapia sa P140 kada kilo.
Hindi ito nalalayo sa nakitang pagtaas sa Litex Market sa Quezon City kung nagmahal din mula sa P20 hanggang P60 kada kilo ang ilang isda.
Ayon sa mga nagtitinda, tumaas ang presyo ng isda dahil sa kakaunting biyahe ng mga mangingisda kaya kakaunti rin ang ibinabagsak sa palengke.
Samantala, tumaas din ang presyo ng ilang gulay kung saan mula sa P60 ay nasa P100 na ang kada kilo ng kamatis habang umakyat sa P100 ang ampalaya mula sa P80.
Nagmahal din ang repolyo sa P80 mula sa P60, gayundin ang pechay Baguio na P60 dati ay P70 na ngayon habang walang pinagbago sa presyo ng talong na P60 at sayote na P40.
Sa kabila ng kaliwa’t kanang taas-presyo ay bumagsak naman sa P60 ang kada kilo ng sibuyas mula sa P120 hanggang P140 dahil sa oversupply.