Ramdam na rin sa mga palengke partikular sa mga bentahan ng isda ang epekto ng patuloy na oil price hike.
Ito ay matapos tumaas ang presyo ng isda sa ilang palengke dahil sa kakaunting supply na dumarating sa kanila.
Ayon sa mga manininda, hindi pumapalaot ang ilang mangingisda dahil sa mataas na presyo ng gasolina.
Sa Trabajo Market sa Sampaloc, Maynila, mula sa 220 pesos na kada kilo ng alumahan at matambaka ay nasa 260 hanggang 280 na ngayon habang nasa 300 pesos na ang presyo ng kada kilo ng bisugo mula sa 240 pesos.
Sa isang pamilihan naman sa Quezon ay walang pwesto na nagbenta ng hasa-hasa at matambaka dahil sa kulang na suplay ng isda na dumating kahapon.
Ayon sa Department of Agriculture, mayroong kakulangan sa suplay ng isda ngayon partikular sa National Capital Region kaya napilitang mag-angkat ng mahigit 30,000 tonelada ng isda upang punan ang kakulangan dito.
Samantala, nagkilos-protesta ang grupong PAMALAKAYA kahapon kung saan iginiit nitong pinapatay ng importasyon ang kabuhayan ng mga mangingisda.