Malabong mangyari na umabot ang presyo ng kada piraso ng itlog sa P15.00.
Ito ang pananaw ni Philippine Egg Board Association at United Broiler Raisers’ Associatio (UBRA) Chairman Jojie San Diego sa kabila ng sinabi ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Party List Representative Nicanor Briones at Chairman din ng Egg Council of the Philippines na posibleng umabot sa hanggang P15 ang kada piraso ng itlog sa gitna ng mataas na production cost at banta ng bird flu.
Paliwanag kasi ni San Diego, hindi ito mangyayari dahil kung titignan ang isang kilong itlog ay naglalaro ngayon sa 16 na piraso, kaya yung sinasabing P15 bawat piraso ay aabot sa P240 kada kilo ng itlog.
Aniya, mas mahal pa kaysa sa manok at dahil dyan manok na ang bibilihin at yung mas murang pagkain ng mga mamimili.
Punto pa ni San Diego, hindi kayang itaas yan kung isa lang ang may gusto dahil ang mga mamimili pa rin ang magdedesisyon hinggil sa presyo ng itlog.
Giit din ni San Diego, malaki talaga ang lugi ng mga nag-aalaga ng manok dahil sa sobrang mahal na patuka.
Inaasahan naman nila na sapat ang suplay ng manok hanggang sa unang bahagi ng 2023, pero dahil sa mataas na presyo ng patuka ay maraming tumigil sa pag-aalaga ng manok, habang ang iba naman ay nagbawas ng produksyon.