Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Boyet Taguiam, presidente ng meat section sa pribadong pamilihan sa Cauayan City, sinabi nito na bahagyang masakit sa bulsa ng mga mamimili ang konting pagtaas sa presyo ng karneng baboy lalo ngayong nalalapit ang taong 2022.
Ayon kay Ginoong Taguiam, tumaas ngayon sa P320 per kilo ang presyo ng karneng baboy (boneless, liempo) mula sa dating presyo na P280-300 per kilo habang ang buto-buto naman ay nasa P280 lamang per kilo.
Sinabi ni Taguiam na normal lamang ang pagtaas sa presyo ng karne ng baboy tuwing peak season.
Wala namang paggalaw sa presyo ng karne ng baka kung saan nasa P360 per kilo pa rin ang laman habang P380/kilo sa lomo.
Inaasahan naman na lalo pang magdagsaan ang mga mamimili bukas, December 31, 2021 bago pa ang unang araw ng taong 2022.
Bukod sa karne ng baboy, bahagya rin nagtaas ang presyo ng karne ng manok na ngayon ay nasa P180 per kilo mula sa dating presyo na P170/kilo.
Ayon naman kay Ginang Trinidad Agcaoili, presidente ng chicken section ng private palengke, bagamat peak season ngayon, matumal pa rin aniya ang kanilang bentahan dahil sa dami ng mga nakapalibot na talipapa.
Nakakabenta lamang aniya siya sa kanyang mga suki kung kaya’t nakakabawi pa rin kahit papaano.
Samantala, nilinaw ni Ginoong Taguiam na babalik din sa dating presyo ang karne ng baboy, carabeef, manok pagkatapos ng pagsalubong sa bagong taon.