Kumpyansa si Department of Argriculture (DA) Secretary William Dar na bababa pa ng husto ang presyo ng karne ng baboy sa mga darating na buwan.
Ito ang tiniyak ni Dar sa gitna na rin ng puna ni Marikina Representative Stella Quimbo na maliit lang ang ibinawas sa presyo ng baboy sa merkado gayong ibinaba na ng pamahalaan ang taripang ipinapataw sa mga inaangkat na karneng baboy.
Ayon kay Quimbo, makalipas ang apat na buwan mula nang ipinatupad ang tariff reduction at increase sa Minimum Access Volume sa pork imports, P10 lamang ang nabawas sa kada kilo ng karne ng baboy sa mga pamilihan.
Sinagot naman ni Dar na inaasahan ng ahensya ang lalo pang pagbaba sa presyo ng karne ng baboy sa mga susunod na buwan lalo na kung makarating na sa bansa ang malaking bulto ng pork imports sa Nobyembre.
Para kay Quimbo, ang kakarampot na pagbaba sa presyo ng baboy ay maliit kung ikukumpara sa laki naman ng nawawala sa kinikita ng pamahalaan mula sa maayos na tariff rates.
Hiniling ng kongresista na pag-aralan ulit ng DA ang kanilang mga polisiya sapagkat ang ayudang ibinibigay sa mga Pilipinong apektado ng pandemya ay kinukuha sa kita ng pamahalaan tulad ng mga ipinapataw na taripa.