Presyo ng lokal na ani, nagbabadya ring magmahal sa harap ng inaasahang pagtaas ng presyo ng imported na bigas – FFF

Nagbabadya ring magmahal ang presyo ng lokal na palay sa harap ng inaasahang pagmahal ng imported na bigas.

Kasunod ito ng pagpapatupad ng India ng export ban na maaaring makaapekto sa presyo ng bigas ng Vietnam kung saan umaangkat nang mas marami ang Pilipinas.

Paliwanag ni Raul Montemayor, national manager ng Federation of Free Farmers (FFF), hihilahin kasi ng imported rice ang presyo ng local rice.


Bagama’t makababawi rito ang mga magsasaka, dagok naman aniya ito sa mga konsyumer.

“Kasi yung mga trader dito sa local, sasabihin nila, ‘Pag ka ganyan, bibili ako ng palay sa magsasaka, tatapatan ko yung presyo ng imported na mataas,” ani Montemayor sa interview ng RMN DZXL 558.

“Meron itong benepisyo sa mga magsasaka rin, dahil nagmahal yung abono, ilang taon na rin silang nagsasakripisyo dahil sa mababang presyong dulot ng Rice Tariffication Law, ito rin naman ay pagkakataon para makabawi naman sila nang konti pero syempre, madedehado naman ang mga konsyumer. ‘Yan ang challenge ngayon sa gobyerno, paano nila titimplahin yan,” dagdag niya.

Bukod sa apat hanggang limang pisong inaasahang taas-presyo sa kada kilo ng imported na bigas dahil sa export ban ng India, posible pa itong magmahal ng dalawa hanggang tatlong piso dahil naman sa paghina ng piso kontra dolyar.

Pero ang mas pinangangambahan ng grupo ay ang paghina ng lokal na produksyon dahil sa mahal ng abono.

“Kung magkatotoo yung projection ng DA noon na dahil sa pagmahal ng abono ay medyo nagtipid yung mga magsasaka sa paggamit ng abono, bababa yung ating production ngayong anihan. Kaya sana, ngayon palang pinaghahandaan na ito ng DA,” saad pa niya.
Samantala, ayon kay Montemayor, posibleng pagkatapos pa ng anihan mararamdaman ang pagtaas ng presyo ng bigas.

“Mag-aani na e, kaya hindi pa natin masyadong nararamdaman yung epekto ng pagtaas dahil maraming supply. Maraming import, maraming ani, pero pagkatapos ng anihan, d’yan na mag-uumpisa yung pagtaas ng presyo ng bigas. Kaya nga ang sinasabi namin sa gobyerno, tulungan yung mga magsasaka para pag-ani nila ngayon, makapagtanim agad,” apela ni Montemayor.

Samantala, giit pa ni Montemayor, wala pa silang nakikitang maliwanag na reporma sa Department of Agriculture.

Aniya, wala pang epekto sa mga magsasaka ang mga bagong budget proposal ng ahensya.

Hindi rin nila maramdaman ang umano’y 50-bilyong pisong pondo mula sa Rice Tariffication Law na naipaluwal sa DA bilang tulong sa mga magsasaka.

“Mula nung nag-umpisa ang RTL, siguro mga 50-billion na ang naipaluwal sa DA para tulungan ang mga magsasaka, e, bakit ganito pa rin tayo? Hindi tumataas yung ating production, kinukulang pa rin tayo, palaasa pa rin tayo sa import. Anong nangyari sa pera, anong itinubo nung perang yun ‘no?”

Dahil dito, muling umapela ang grupo sa pamahalaan na pabilisin ang pagbibigay ng limang libong pisong ayuda sa mga magsasaka.

“Yung na-delay na P5,000 nila, isang taon na hindi pa nabibigay. Actually, yang ayudang yan para sa pagbaba ng presyo ng palay dahil sa RTL. Hindi naman yan ginawa para ibalik yung lugi ng mga magsasaka dahil sa pagmahal ng abono,” giit ni Montemayor.

“Yung effect ng pagtaas ng abono sa cost of production ng mga magsasaka, mga 3 pesos per kilo. That is about… P12,000 per hectare ang nawala sa magsasaka dahil sa pagtaas ng abono. E yung ayuda, P5,000 lang yun e. Makakatulong siya pero hindi siya makakabawi talaga ‘no,” giit pa niya.

Facebook Comments