Nasa P10 na ang itinaas sa presyo ng manok sa mga pamilihan.
Ayon kay Gregorio San Diego Jr., Chairman ng United Broiler Raisers Association, sa kasalukuyan ay nasa average na P115 kada kilo ang farmgate price ng buhay na manok.
Pagdating sa palengke, papatungan pa ito ng P60.
Isa sa itinuturong dahilan ng grupo sa mahal na presyo ng nasabing poultry product ay ang pagbaha ng imported na manok sa bansa.
Giit ni San Diego, dati na silang nakiusap kay Agriculture Sec. William Dar na itigil muna ang importasyon ng manok dahil sa posibleng maging epekto nito sa mga local farmer.
“Kasi yung pinagdadalhan ng imported na manok, yung hotel and restaurants e sarado naman lahat noong [kasagsagan] ng COVID, diba? Kaya sabi namin, dadagsa yung supply ng manok kung ganyan karami yung imported. Hindi naman kami pinakinggan, bagkus ay lalong pang lumaki yung importasyon,” saad ni San Diego sa interview ng RMN Manila.
“Kaya ang nangyari, marami ang nalugi sa amin na nagpo-produce ng manok… sinunod namin yung payo nila na magbawas kami ng alaga,” dagdag pa niya.