Presyo ng manok, tumaas!

Nagmahal ang presyo ng manok sa ilang pamilihan dahil sa mainit na panahon.

Nabatid na mula sa dating P130 hanggang P140 kada kilo ay nasa P150 hanggang P160 na ang presyo ng manok.

Paliwanag naman ng mga nagtitinda, mainit na kasi ang panahon kaya namamatay ang ilang mga manok.


Pero sabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol, hindi ito dahil sa init ng panahon kundi posibleng kaunti lamang ang suplay ng manok.

Dahil aniya sa pagbagsak ng presyo ng manok noong nakaraang taon maraming poultry raiser ang nagbawas ng alagang manok sa kanilang mga farm.

Samantala, patuloy naman ang ginagawang paghahanda ng United Broilers Association of the Philippines (UBRA) sa magiging epekto ng El Niño para maiwasan ang pagkamatay ng mga manok.

Tuloy din ang ginagawang paraan ng grupo para hindi na maulit ang bird flu outbreak na umatake noong 2017 sa anim na poultry farms sa Pampanga.

Facebook Comments