Presyo ng mantika sa Pasig Mega Market, patuloy ang pagtaas; mga nagtitinda, namomroblema

Umaaray ngayon ang mga vendor ng Pasig Mega Market dahil sa mula sa mga sangkap hanggang sa finished product na nagtaas ang presyo, ngayon mantika naman na ginagamit sa pangluto ang tumaas.

Ayon kay Maurine de Guzman, vendor ng naturang palengke mistula umanong walang tigil ang pagtaas ng mga coconut oil at palm oil kung saan limang piso umano ang itinataas ng kada container ng mga ito kada linggo hanggang sa umabot na sa Php400 ang taas nito.

Paliwanag pa ni De Guzman na ang isang container ng coconut oil na dating Php1,300 ngayon Php1,700 na ang presyo nito habang ang isang container naman ng palm oil na dating Php1,000 ngayon ay Php1,400 na.


Dagdag pa ng mga nagtitinda, tumaas ang presyo ng kopra, dahilan para patungan sila ng presyo ng kanilang mga supplier.

Bagay na una nang kinumpirma ng Philippine Coconut Authority dahil nagkaroon talaga ng pagtaas ng presyo ng kopra sa mga palengke.

Dahil dito, kakaunti na lang umano ang mga namimili sa kanila ng galon at puro litro na lang ng mantika ang tinatangkilik ng mga tao dahil nga sa nagtaas ang presyo nito dahil Php 80 ang litro ng palm oil habang Php102 naman ang litro ng coconut oil na lubhang matinding epekto sa kanilang maliliit na negosyante.

Facebook Comments