
Nagsagawa na ang Department of Trade and Industry (DTI) Pangasinan ng price monitoring sa mga tindang kandila sa ilang pangunahing mall sa Dagupan.
Layunin ng aktibidad na matiyak na nasusunod ng mga establisimyento ang tama at angkop na suggested retail price (SRP) ng mga kandila, lalo na’t papalapit na ang paggunita ng Undas at inaasahan ang pagdagsa ng mga mamimili.
Batay sa inspeksyon, nananatiling nasa tama ang presyo ng mga kandila sa mga pangunahing pamilihan at wala namang inaasahang pagtaas ng presyo sa mga darating na araw.
Dagdag pa ng ahensya, patuloy nilang binabantayan ang presyo ng mga pangunahing bilihin upang maiwasan ang anumang pang-aabuso sa presyo habang papalapit ang Undas.
Samantala, pinaalalahanan din ang publiko na maging mapanuri at agad i-report sa tanggapan ng DTI ang anumang paglabag o sobrang singil sa presyo ng mga bilihin.









