Manila, Philippines – Mula sa limang piso, posibleng dumoble ang presyo ng isang ordinaryong 3-in-1 na kape kapag naging batas na ang panukalang tax reform program ng administrasyong Duterte.
Bahagi kasi ng programa ang pagpapataw ng buwis sa sugar sweetened beverages o SSBS.
Sabi ni Sen. Sonny Angara, Chairman ng Senate Ways and Means Committee – posibleng tumaas ng sampung piso kada araw ang gastos ng mga pilipino sa mga pangunahing bilihin sakaling ipataw ang bagong buwis sa SSBS, produktong petrolyo at iba pa.
Pumalag naman si Sen. Sherwin Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Energy ang pagpataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo, gaya ng anim na pisong buwis na idadagdag sa diesel sa loob ng tatlong taon.
Nakatakda namang imbitahan ng senado ang socio economic managers ng pangulo para pagpaliwanagin kung saang proyekto ba nila planong gastusin ang makukuhang kita mula sa dagdag na buwis.