Cauayan City, Isabela- Walang nakitang paggalaw ang Department of Trade and Industry (DTI) sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa Lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Winston Singun, Provincial Director ng DTI Isabela, base sa kanilang ginawang price and supply monitoring pagkatapos ng mga magkakasunod na bagyo ay wala naman aniyang nakitang lumabag sa presyo ng mga basic necessities and prime commodities sa Lalawigan.
Sumusunod naman aniya sa suggested retail price ang mga establisyimento maging sa mga nasa palengke na nagtitinda ng mga pangunahing bilihin gaya ng mga canned goods, instant noodles, kape, at gatas.
Kaugnay nito, inihayag rin ni Ginoong Singun na walang ‘price freeze’ sa Isabela maliban sa mga lugar o probinsya na lubhang sinalanta ng bagyo.
Ipinapatupad aniya ang ‘price freeze’ sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad upang makatulong sa mga apektado at maiwasan ang pagsasamantala o pagtaas ng presyo.