Presyo ng Noche Buena items, hindi na tataas sa Disyembre

Wala nang aasahang pagtaas sa presyo ng mga produktong pang-Noche Buena bago ang Pasko.

Ito ang tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) sa kabila ng mga hirit na taas-presyo ng ilang brand gaya ng keso, mayonnaise, ham, cream at pasta.

Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, huling increase na para sa mga noche buena items ngayong taon ang ipinatupad noong Nobyembre.


“Iyong Christmas product natin, hindi yan mandatory na lagyan ng SRP kasi e, so, we just issue price guide. Yung pagtataas ng presyo nila, earlier in the year, hindi yan magtataas na ng December kasi ima-maximize rin nila. Ang latest na increase niyan ay within the month of November so hindi na ‘to tataas hanggang Christmas. Ito na yung increases nila,” paliwanag ni Castelo sa interview ng RMN Manila.

Pagdating naman sa mga basic necessities and prime commodities (BNPC), aminado si Castelo na hindi talaga mapipigilan ang pagtaas ng presyo nito.

Aniya, ang tanging magagawa lamang ng ahensya ay makontrol ang halaga ng paggalaw ng mga produkto.

“Halos lahat ng basic and prime natin, may request. Kaya lang, every movement kasi, kinokontrol din ng DTI na hindi lahat tumaas, at least 30% lang ng total nung mga nasa listahan natin ang ginagalaw natin para meron pa ring choice yung mga konsyumer na hindi tumaas ang presyo ng mabibili nila,” ani Castelo.

“Pero syempre, ang consideration natin kasama dyan, yung cost of production talaga rin naman ng mga manufacturer. Hindi natin pwedeng hindi pansinin kasi baka magsara sila o hindi na nila i-produce or mag-shift ng negosyo, mas maraming maaapektuhan na trabaho kaya ayaw rin natin no’n,” dagdag ng opisyal.

Facebook Comments