Umakyat na sa ₱44.2-M ang halaga ng pinsala sa sektor ng imprastraktura at agrikultura sa mga rehiyon na tinamaan ng malakas na lindol.
Sa Laging handa public briefing, sinabi ni Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista na kabilang sa mga napinsala ay ilang farm to market road, communal irrigation system at ilang diversion dam.
Kaugnay nito, bumalik na sa normal ang presyo ng mga produktong pang agrikultura sa Benguet trading post.
Sinabi ni Evangelista, maging ang volume ng mga agricultural commodity ay sapat ang suplay lalo na ang mga dinadala sa Divisoria at Balintawak market.
Nagpadala na rin aniya sila ng tatlong kadiwa on wheels sa Benguet gayundin sa Region 1 at ilan pang lugar na naapektuhan ng lindol.
Ayon pa kay Evangelista, may alokasyon din ang ahensiya para sa fertilizers at binhi na kailangan ng mga magsasakang naapektuhan ng lindol kasama na rin ang mga gamot na kailangan ng mga inaalagaan nilang mga hayop.
Tuloy-tuloy din aniya ang pakikipag-ugnayan nila sa municipal agriculturist upang maipaabot ang iba pang ayuda para sa mga magsasaka at mangingisda sa Region 1 at Cordillera Administrative Region (CAR).