Presyo ng therapeutic na gamot para sa COVID-19, pinare-regulate ng Kamara

Pinare-regulate ni Assistant Majority Leader Precious Hipolito-Castelo ang presyo ng mga therapeutic drugs para sa COVID-19.

Kasabay nito ay hinimok ni Castelo ang Department of Health (DOH) at Department of Trade and Industry (DTI) na manghimasok na para pababain ang presyo ng mga gamot na inirereseta ng mga doktor sa mga pasyenteng nagpapagaling mula sa sakit na COVID-19.

Tinukoy ni Castelo na tumaas ng 12 beses ang presyo ng mga therapeutic drugs para sa COVID-19 at naitala na isa sa mga gamot ay umabot pa sa ₱60,000 ang presyo.


Kabilang aniya sa mga gamot na ito ay ang Remdesivir, Hydroxychloroquine, Dexamethasone, at Ivermectin.

Bagama’t batid ng kongresista na batay sa mga testimonya ng mga doktor ay nakakatulong ang mga nabanggit na gamot pero dahil sa mahal na presyo ay hindi naman aniya ito kakayaning bilhin ng mga mahihirap na pasyente.

Dagdag pa ng lady solon, kung maibababa ang presyo ng mga gamot sa COVID-19 ay tiyak na mapoprotektahan nito ang mga mahihirap at mapapangalagaan ang pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na siyang sumasalo sa gamutan at pagpapa-ospital ng mga COVID-19 patients.

Pinatitiyak din ni Castelo sa Department of Health (DOH), Department of Trade and Industry (DTI) at sa iba pang kaukulang ahensya na walang importer, manufacturer, distributor, reseller, trader, government o private entity na magho-hoard ng mga therapeutic drugs para sa COVID-19.

Facebook Comments