Pinapahanap ni Senador Imee Marcos ang pamahalaan ng bagong supplier ng wheat o trigo at gumamit ng ibang sangkap sa paggawa ng harina bukod sa trigo.
Ito ay para maiwasan ang biglang pagsirit ng presyo ng tinapay at noodles dulot ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine na mga pangunahing tiga-supply ng trigo sa mundo.
Paliwanag ni Marcos, ang U.S. ang ating pangunahing tiga-supply ng trigo pero dahil sa mga pataw na parusa ng iba’t ibang western nations sa Russia ay maaaring mapatid ang suplay ng trigo sa mundo na magiging dahilan ng pagsirit ng presyo nito sa mercado lalo na kapag bumwelta o gumanti ang Russia.
Binanggit ni Marcos na ang Pilipinas din ang isa sa sampung pangunahing bansa na umaangkat ng trigo sa Ukraine kung saan natengga ang pagtatanim at pagbabarko nitong produkto dahil sa giyera.
Dinagdag pa ni Marcos na ang mataas na presyo ng Liquified Petroleum Gas (LPG) ay maaaring ding magdulot ng pagtaas sa presyo ng pandesal sa mga panaderya.
Ayon kay Marcos, may alternatibong pagkukunan ng trigo ang Pilipinas na mas malapit lang o sa China at mainam din na bigyang pansin ng pamahalaan ang harina na hindi gawa sa trigo o maaring magmula sa ani nating bigas, mais, kamote, patatas at munggo.