Hinihikayat ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez ang pamahalaan na payagan ang pribadong sektor na bumili ng sariling COVID-19 vaccine para sa kanilang mga empleyado at pamilya.
Nakapaloob sa House Resolution 1453 ang panawagan ng kongresista kung saan iginiit nito ang “right to health” ng bawat Pilipino na siyang ginagarantiya ng Konstitusyon.
Sinusuportahan din ng isa pang inihain na House Bill 8301 ang resolusyon kung saan inililibre sa pagbabayad ng import duties, value added tax, excise tax, at iba pang charges ang mga bakuna na bibilhin ng private businesses.
Ipinunto pa ng mambabatas na ang ₱72 billion na pondo para sa COVID-19 vaccine ngayong 2021 ay hindi sapat para sa lahat ng mga Pilipino kaya nararapat lamang na hayaan na ang private sector na makakuha at makabili ng kanilang COVID-19 vaccine.
Tinatayang aabot lamang aniya sa 30 hanggang 50 percent ng mga Pilipino ang masasakop ng pagbabakuna at malayo ito sa 70 hanggang 80 percent herd immunity level na gustong makamit ng Department of Health (DOH).
Sakaling payagan na ng pamahalaan ang mga private sector sa pag-import ng sariling COVID-19 vaccine ay titiyakin naman na aprubado ito ng Food and Drug Administration (FDA) at mahigpit na susunod sa rules and regulations ng bansa.