Manila, Philippines – Muling ipinanawagan ng ilang mga mambabatas ang pag-aalis ng special protocol plate number 8 ng mga kongresista.
Ito ay kasunod na rin ng hiling ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas na bigyan ng immunity sa pag-aresto ang mga kongresista na lalabag sa batas trapiko.
Giit nila Navotas Rep. Toby Tiangco at Marikina Rep. Miro Quimbo, parehong hindi gumagamit ng plate #8, sa halip na parliamentary immunity ay alisin na dapat ang special protocol plate number 8 dahil hindi naman nararapat na magkaroon ng ibang pagtrato sa kanilang mga kongresista kumpara sa ibang motorista.
Katwiran ni Tiangco, walang dahilan para sa protocol plate na otso at prone din ito sa abuso lalo pa at imposibleng masiguro ng traffic enforcer kung lehitimong kongresista ang lahat ng nakikitang gumagamit nito sa lansangan.
Hiniling naman ni Quimbo sa Mababang Kapulungan na maglabas ng listahan kung sino ang mga kongresista na hindi kumukuha ng otsong plaka.