Pribilehiyo ng miyembro, tuloy ngayong pandemya

IPINAHAYAG ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na patuloy na makakamtan ng mga miyembro at qualified dependents nila ang mga tanging pribilehiyong ipinagkakaloob ng Ahensiya sa panahon ng mga kalamidad o fortuitous events.

Ito ay bunsod ng pagsasabatas sa Bayanihan to Recover As One Act (Bayanihan 2) na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan kung saan patuloy na isinailalim sa state of national emergency ang bansa dahil sa epekto ng Covid-19 lalo na sa ekonomiya.

Kabilang sa mga espesyal na probisyon na ipagpapatuloy ay ang exemption sa 45-days limit para sa admission o 90-sessions limit kada taon para sa mga nagda-dialysis basta’t may rekomendasyon ng duktor.


Dahil dito ay nanawagan ang PhilHealth sa lahat ng accredited facilities nito sa buong bansa na tiyaking maipagkakaloob sa mga pasyente ang kanilang benepisyo, mapa-confinement man o outpatient gaya ng dialysis.

Ang lahat naman ng pasyenteng nagbayad ng kanilang hospital bill o dialysis session na lampas na sa itinakdang 45 araw o 90 session ay pinapayuhang mag-file ng kanilang claims sa alinmang Local Health Insurance Office sa loob ng 120 araw matapos ma-discharge/session. Ang extended na filing period na ito ay bahagi pa rin ng pribilehiyo ngayong may kalamidad na magtatagal sa bisa ng Bayanihan 2 o hanggang Disyembre 19, 2020.

Para sa anumang katanungan maaaring bumisita sa pinakamalapit na local health insurance office sa inyong lugar, o tumawag sa 24/7 Action Center sa 84417442. Maaari rin namang mag-email sa actioncenter@philhealth.gov.ph, magtext sa 09178987442 o magpost ng komento sa aming Facebook page, PhilHealth Official.

Facebook Comments