Cauayan City, Isabela- Nagsagawa ng price and supply monitoring ng Basic and Prime Commodities (BNPCs) sa mga business establishments ang Department of Trade and Industry (DTI) Isabela sa pamamagitan ng Consumer Protection Division and Negosyo Centers.
Ito ay makaraang manalasa ang bagyong Maring sa lalawigan ng Isabela.
Sa pag-iikot ng ahensya, walang naitalang pinsala sa mga business establishments kung saan karamihan lang umano ng pinsala ay naitala sa sektor ng agrikultura.
Sapat rin umano ang suplay ng basic commodities sa probinsya na maaaring mabili ng mga mamimili.
Bukod pa rito, wala ring paggalaw sa presyo ng produkto at sumusunod naman ang mga negosyante sa itinakdang Suggested Retail Price (SRP).
Pinayuhan naman ng DTI Isabela ang publiko na maging mapanuri sa mga presyo at suplay ng basic commodities at kung naaayon ba ito sa SRP.
Magpapatuloy naman ang ahensya sa pagsasagawa ng monitoring upang matiyak ang sapat na suplay ng mga produkto lalo na sa panahon ng kalamidad.