Sa susunod na linggo na ipatutupad ang price ceiling para sa karneng baboy at manok.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na sa February 8 magiging epektibo ang Executive Order 124 na inilabas ng ehekutibo para makontrol ang patuloy na pagtaas ng presyo ng baboy at manok sa merkado.
Paglilinaw ni Dar, ang price ceiling para sa presyo ng karneng baboy at manok ay para lamang sa public markets at epektibo ito sa loob ng dalawang buwan.
Hindi aniya isinama dito ang mga supermarkets para may pagpipilian ang publiko kung saan mamimili.
Tinukoy rin ni Dar sa pagdinig ang apat na dahilan sa mataas na presyo ng mga bilihin partikular ang presyo ng baboy.
Sa presentasyon ng DA sa komite, pangunahin sa mga rason na kakulangan sa suplay at mahal na presyo ng karneng baboy ay natural disasters, COVID-19 pandemic, ASF outbreak at sunod-sunod na bagyo.
Maging ang economic performance ng bansa kung saan sumadsad sa 9.5% ang GDP ay nakaapekto rin sa mahal na presyo ng pagkain.
Ayon kay Dar, bagama’t may nilagdaan nang Executive Order 124 ay pansamantala lamang ito kaya gumagawa na sila ng mga hakbang para mapigilan ang pagsirit ng presyo ng mga agricultural products.
Ilan sa mga hakbang na inilatag ng ahensya ay pagtiyak sa food security kung saan itataas ang local production ng masustansya at abot-kayang pagkain, pagpapalakas ng local supply chain at mobilization ng pagkain mula sa mga probinsya, food diversification at panghuli ay importasyon.